Sampung taon.
Sampung taon ng mga entablado, mikropono, ilaw, palakpakan, kaba, pag pitik ng mga daliri, at mga gabing sabay-sabay nating piniling maniwala na may kapangyarihan pa rin ang mga salita.
Ang dalawampung piyesang mababasa mo sa munting librong ito ang unang dalawampung spoken word pieces na isinulat ko mula 2015 hanggang 2025. Kung matagal na tayong nagkakilala, malamang pamilyar na sa’yo ang karamihan sa mga ito. Baka narinig mo na sila sa isang maliit na coffee shop, sa isang church event, sa pelikula, sa Youtube, sa classroom, o sa panaginip. Baka nga kabisado mo pa ang ilan sa kanila.
Pero ngayon, gusto ko silang ipakilala sa ibang paraan. Hindi sa pagbigkas, kundi sa pagsayaw ng mga letra sa pahina.
Pagkatapos ng bawat tula, nagsingit ako ng mga talatang pinamagatang “Sa Pagitan ng mga Taludtod.” Naroon ang mga kuwentong madalas kong naibabahagi bago o pagkatapos ng mga pagtatanghal—kung paano isinilang ang bawat piyesa, ang mga pangyayaring humubog sa mga linya, at ilang kuwentong ngayon ko pa lamang napagpasyahang isulat.
At dahil alam kong hindi puwedeng puro bigat ang isang pagtatanghal, nagsingit din ako ng mga munting pahinga sa pagitan ng mga pahina. Kaunting kakulitan. Mga tanong. Mga munting sorpresa. Parang mga sandaling nagpapatawa muna bago muling bumalik sa mikropono.
Sa totoo lang, ganoon ko rin gustong maranasan mo ang librong ito. Hindi lamang bilang isang koleksiyon ng mga tula. Kundi parang isang gabing muli tayong nagkita.

